MAGSISIMULA ANG KWENTO sa ilalim ng punong mangga sa tuktok ng burol na napalilibutan ng malinaw na sapa. Dito madalas nagtatagpo ang matalik na magkaibigan na si Poknat at Bok-Bok. Isang gabing walang mga bituin ay nagkita silang muli. Bukod sa mga nagtatagong bituin ay tila isa lamang iyong gabi na tulad ng iba. “Bakit ang tahimik mo, Bok?” wika ni Poknat habang pinagmamasdan ang tanawin sa paanan ng burol.
“Hinihingal ako e.” sagot ni Bok. “Napagod ako sa pag-akyat”. Alam niyang hindi pinaniwalaan ni Poknat ang sinagot niya.
“Ang wirdo mo ngayon. Parang may kakaiba sa’yo.” sabay tingin sa kaibigan, nakakunot ang noo. Aninag niya ang balisang mukha sa ilaw ng gasera sa kanilang paanan.
“Ikaw rin, Nat. May kakaiba din sa’yo bukod dyan sa pina-straight mong buhok.” winika ni Bok, nang nakatingala na tila naghahanap ng bunga sa mga nagsasayaw na dahon.
“Bagay ba?” Natuwa si Poknat dahil napansin ng kaibigan ang pina-straight niyang buhok.
“Ok lang. Pero mas gusto ko pa rin yung kulot.” winika nito na sinundan ng pagbakas ng lungkot sa mukha ni Poknat. Napansin ito ni Bok.
“Bagay naman sayo kahit ano…uhm…kasi maganda ka.” pabawing bulong ni Bok habang kinakalabit ang mga kwerdas ng kanyang gitara.
“Nako. ‘Wag kang umasang sasabihan kitang gwapo ka!” Sabay na natawa ang dalawa.
“Tugtugan mo naman ako, Bok” pabirong sabi ni Poknat.
“Ano namang kakantahin ko?” tanong ni Bok na tila biglang nanigas sa kina-uupuan. Simula pagkabata’y hindi pa niya nakakantahan si Poknat ng kahit ano ngunit wala siyang makitang dahilan upang hindi pagbibigyan ang hiling ng kaibigan.
Walang kaabog-abog ay tumayo si Bok sa kinauupuan at pumuwesto sa harapan ni Poknat, hinagkan ang gitara, nakaukit sa isipan ang awiting matagal na niya dapat inalay sa kaibigan.
Walang magawa si Poknat kundi makinig at ngumiti sa nanginginig na boses ni Bok. Ngayon lang niya narinig umawit ang kaibigan. Wala namang magawa si Bok kundi umawit at pumikit, nagdadalawang isip na imulat ang mga matang nagkukubli ng pag-ibig. Bawat tiklada ng gitara ay pag-asang marinig ng kaibigan ang tinatagong lihim.
Pagtapos tumugtog ay tinabihan ni Bok ang kaibigan. Magkadikit ang mga kamay sa ugat ng puno na kanilang inuupuan. Pinili nilang manahimik habang nilalasap ang mga sandaling magkadikit ang mga nanlalamig na kamay.
“Naalala mo ba dati, nung mga bata pa tayo, Nat. Madalas tayong nagpapalipad ng saronggola dito. Nakaka-miss.” tahimik na sinabi ni Bok, habang pinanonood ang mga paang naglalaro ng mga tuyong dahon at alikabok.
“Tara! Bilis!” wika ni Poknat sabay hila sa manggas ni Bok.
“Huh? Magpapalipad tayo ngayon? Gabi na!” hindi makapaniwalang sagot ni Bok.
“Tungaw, hindi! Basta!” At tumakbo silang bumaba papunta sa sapa, bitbit ang gitara at ang gasera, hinahalikan ng malamig na hangin ang kanilang mga mukha. Hindi nagtagal ay nakarating din sila sa sapa.
“Pengeng piso, Bok.”
“Huh? Para saan?”
“Mag-wiwish lang ako." Hinugot ni Bok ang natitirang dalawang pisong barya sa bulsa at ibinigay ang piso sa kaibigan.
Ipinikit ni Poknat ang mga mata at taimtim na humiling, ang piso’y nakahimlay sa isang palad. Ginamit ni Bok ang pagkakataon upang pagmasdan ang kaibigan. Mga nakaw na sandaling inaasam-asam. Sampung taon na pagkakaibigan ngunit iba ang gabing iyon. Nasilayan ni Bok ang ganda nito sa malamlam na ilaw ng gasera, habang pinaglalaruan ng hangin ang kanyang mahabang buhok. Tumigil ang mundo samantalang patuloy ang pagtibok ng mga puso.
Kinuha ni Bok ang kamay ni Poknat, pinikit ang mga mata at humiling, hawak ang malamig na barya sa kanyang bulsa. Humigpit ang pagkakakapit ng mga kamay hanggang sa lumipad ang dalawang piso at tuluyang naglaho sa dumadaloy sa tubig. Lumipas ang mga sandali. Dalisay ang katahimikan ng gabi. At sa pagmulat ng mga mata’y wala na ang ilaw mula sa gasera na napalitan ng liwanag na nagmumula sa buwan at mga bituin at sanlaksang alitaptap.
“Anong hiniling mo, Bok?” tanung ni Poknat, mga mata’y tila may hinahanap sa mata ng bawat isa.
“Na sana mahal mo din ako, Nat.” sagot ni Bok, katotohanan na hindi na kayang itago ng kanyang mga mata.
“Sabi ko na nga ba e. May kakaiba sa’yo ngayon.” Sapat na ang ngiti at malamig na kamay ni Poknat upang malaman ni Bok-Bok na ang hiling niya at ang hiling ng kaibigan ay iisa.