“Ano, Bok? Truth or consequence?” Nawala sa sarili si Bok. Nakatulala sa kawalan habang nangungutyang nakaturo sa kanya ang bote ng sakto sa malamig na sahig na kanilang kinauupuan. Hindi pa rin siya makapaniwalang limang taon na ang lumipas mula ng huli silang nagkita ni Poknat. At ngayon ay magkasama silang muli; isang gabing hinahagupit ng bagyo. Dinig nilang dalawa ang malakas na ulan at hanging kumakatok sa mga bubong at bintana. Isang kandila ang nagbibigay ng kakarampot na liwanag. Buti na lang walang kuryente.
“Hoy! Bok! Ano na?”
“Ay, sorry, Nat.”
“Lumilipad na naman ang utak mo eh.” Parusa kay Bok ang ganda ng ngiti niyang hinahaplos ng liwanag. “Hindi ka pa rin nagbabago.”
“Senya naman. Pwedeng mag-sorry?” Sabay tawa ng dalawa.
“Ayaw mo yata nitong game na to eh. Gusto mo ibang laro na lang?” wika ni Poknat habang binabasa ang mukha ng kaibigan.
Napalunok si Bok habang pinipigilang tumawa sa mga alaala ng bahay-bahayan na dati nilang nilalaro.
“Hindi. Gusto ko. Ito na lang.” Sa totoo’y pinaka-ayaw ni Bok ang Truth or Consequence lalo na kapag si Poknat ang kalaro. Masyado nilang kilala ang isa’t isa para sa larong ito. Totoo kayang may mga bagay na hindi talaga nagbabago?
“Okay. So, ano na nga? Truth or consequence?” Tanong muli ni Poknat. Nakakatunaw ang pananabik na malayang nakaguhit sa kanyang mukha.
“Truth.” Bulong ni Bok. Dama niya ang butil ng pawis na gumuhit sa kanyang pisngi dulot ng init na nagmumula sa liwanag ng kandila.
“Okay. Hmmm.” Nag-isip ang dalawa ng mga tanong habang mga mata’y nakatingin sa mga nagsasayaw na anino sa kisame. Mahabang panahon ang apat na taon. Maraming nagbago. Maraming pwedeng itanong. Ngunit higit sa lahat ay marami ring mga sagot. Ang tanong ay kung seseryosohin ba nila ang laro at kung pipiliin nilang magsabi ng totoo. Nakakatakot isipin kung anong katotohanan ang pwede nilang malaman sa bawat pag-ikot ng bote.
“Okay eto… uhmm… After High School, nagka-girlfriend ka ba?” Bakas sa mukha ni Bok ang pagkagulat sa tanong.
“Oo. Si Elisa.” Sa puntong nabigkas ang mga salita’y kaagad niya namang pinagsisihan ang pagsasabi ng totoo. Sa loob-loob ni Bok, mali ang tanong ng kaibigan. Hindi iyon ang hinihintay niyang katanungan. Hindi rin iyon ang gusto niyang malaman ni Poknat.
“Oh. Okay.” Aninag pa rin ang ngiting ngayo’y naging maingat at kalkulado habang inaabot ang bote na kanyang pinaikot. Umikot ang bote. At si Poknat naman ang kailangang pumili.
“Truth or consequence?” Alanganing tanong ni Bok, pinipilit basahin ang mukha ng kaibigan sa ilaw na pakurap-kurap sa dilim.
“Truth.” Nakatingin siyang muli sa kisame.
“Ikaw? Nagkaroon ka ba ng boyfriend after High School?” Sigurado siya na kailangan niya itong itanong.
“Wala.” Bulong ni Poknat sa hangin. Hindi alam ni Bok kung anong dapat isipin ngunit palaisipan sa kanya ang pagkakasabi ng salita. Wala siyang ibang magawa kundi ilabas ang buntong hiningang nagkukubli ng pagkalito. Ang sagot ni Poknat ay tumawag ng marami pang katanungan; nagsisisksikan sa isip ni Bok. Bakit wala? Hanggang ngayon?
Walang nagsalita. Lumipas ang mga segundong lumutang sa hangin na tila humahatak sa kanila papalapit sa isa’t isa. Upang mabasag ang katahimikan ay kailangang magpatuloy ang laro. Hindi sinasadyang nagdampi ang mga kamay na parehong inabot ang bote sa sahig. Nagtagpo ang mga paningin sabay sa saliw ng mabilis na pagtibok ng mga puso. Kinuha ni Bok ang bote sa kamay ng kaibigan at isinantabi. Wala na ang bote sa pagitan nila. Hindi na niya kayang panoorin pag-ikot at hintayin ang pagtigil nito.
“Ikaw lang naman talaga, Nat. Ikaw lang.” wika ni Bok habang pinapanuod ang nauubos na kandila.
“Anong ako lang?” Pakunwaring walang alam na sabi ni Poknat.
“Ang minahal ko. Hanggang ngayon…” Hinayaan ni Bok na lumutang ang mga salita. “…ikaw pa din.”
Kinuha ni Poknat ang bote at pinaikot sa huling pagkakataon. Muli’y tumigil itong nakaturo sa kanya. Ano ang pipiliin niya? Walang abog na hinawi ni Bok ang bote na naglaho sa dilim. Tuluyan nang nawala ang pagitan sa kanilang dalawa.
“Truth or consequence?” tanong ni Bok habang nilulunod ang sarili sa mga mata ng kaibigan.
“Consequence.” Tila musika ang tunog ng ulan sa latang bubong. Sobrang lapit na ni Bok. Kaya nang bilangin ni Poknat ang mga namumuong luha sa kanyang mga mata.
Kinain ng dilim ang lahat at sa wakas ay naubos na din ang liwanag ng kandila.